Hello and Welcome!

This is about my observation to what's happening around us, the pop culture and how it affects people and their lifestyle.

Please feel free to interact. Thanks.

To post comments, please click on the Number/Digit found at the top right portion of each post.





"Tangkilin ang sariling atin."

Iyan ang palagi natin iminumungkahi at ipinaalala sa mga Pilipino ipakita ang pagmamahal sa ating lahi at ng ating bansa, maging ito man ay sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong Pilipino, serbisyong Pinoy, likha at mga arteng Pinoy, at paghihikayat ng mga embensiyong gawa ng Pinoy. Ito ay isang matatag at umaalingawngaw na simbolo ng pagpapahalaga natin sa ating pagka- Pilipino.

Pero paano nga ba natin mahikayat ang kapwa natin kung ang mismong mga produkto natin ay may halong pandaraya, may bahid ng pananamantala, kulang o di kaya'y mababa ang kalidad, at kulang sa imahinasyon at pagkamalikhain sa puntong nakakasawa sa at hindi gaanong mapapakinabangan ng karamihang mananangkilik.

At dahil sa sobrang daming aspeto na pwede kong ibigay halimbawa, tutugunan ko ng pansin ang isang industriyang naghihikahos at nanganganib malugmok ng tuluyan. And industriya ng Pelikulang Pilipino.

Kung hindi ninyo napapansin, mabibilang lang sa daliri ang klase ng mga palabas na kayang likhain ng industriya na ito dito sa atin, at limitado rin ang lawak ng istoryang ginagawan ng pelikula, na kalimitan ay pabalik-balik lang ang paksa ng mga pelikulang napapaloob sa parehong genre.

Sa pelikulang Pilipino, ito lang ang sa palagay ko'y kayang likhain ng mga mamimilikula sa bansa:

Action, Drama, Romance, Comedy, Horror, at Superhero Action/Comedy.



Sa mga pelikulang tinaguriang ma-aksyon, pare-pareho lang ang mga istoryang kung hindi man umiikot sa sindikato, pambubugbog at paghihigante, di pagkakaunawaan ng dalawang pamilya o angkan, ay sa mga politiko naman na sangkot sa iligal na gawain at pang-aabuso ng kapangyarihan. At hindi rin masyadong malawak ang naaabot ng mga taong pinag-uusapan sa istorya. Ganito na ang naging katayuan ng pelikulang maaksyon; hanggang ngayon ay dito pa rin umiikot ang istorya ng mga bagong gawang pelikula. Hanggang dito lang ba kaya ng industriya natin? Wala bang sapat na tapang, imahinasyon, at pagkamalikhain ang mga tao sa likod ng industriyang ito para gawing paksa ng istorya ang mga iskandalong sangkot ang isang likhang-isip na pangulo ng bansa? O baka naman takot sila sa kayang gawin ng mga totoong taong nataman at galit dahil pakiramdam ng mga ito'y sila ang tinatarget ng naturang pagpipinta.

Meron din akong isa pang napansin sa mga maaksyon na eksena ng mga maaksyong pelikulang nagmukhang katawa-tawa at mapapaisip ka kung sulit ang perang pambayad mo sa sinehan. Kadalasan, sa mano-manong bakbakan, mapapansin mo, kung ikaw man ay hindi nakanganga at hangang-hanga sa idol mo, na ang suntukan, sapakan, sipaan at agawan ng plastik na armas o kahoy na sandata ay isinasagawa na parang may kasamang bilangan.

1, 2, 3, haik! 1, 2, 3 uhmp! 1, 2, 3 argh!

Oo, parang may tahimik na bilangang nangyayari dahil sa napaka-bakyang tagisan ng lakas na bukod sa parang slow-motion ay nakakatawa pa ang action-reaction ng bida at kontrabida.

Bida: (sinapak ang kalaban sa KANANG pisngi)

KB: (napa aray, naduduling, napalingon sa KANAN din, at napaatras habang naniniguradong walang gasgas pagnagtumba-tumbahan na,).

At kung sa binaril naman, ay parang sumasayaw ng Dirty Dancing ang kalaban at babagsak sa lupa na parang sinapian.

Pag sa habulan naman ng bida at kontrabida, na kadalasan ay sa pamamagitan ng dalawang kotse, pagdating sa puntong lumipad sa ere ang sasakyan ng kalaban sabay sabog at pataob na lalagapak sa lupa, at isandaang beses sunud-sunod at inulit- ulit ang nasabing eksena na may kuha pa galing sa ibang anggulo, na para bang aliw na aliw ang editor ng naturang palabas sa kabakyaan ng likha nila na para sa kanila at kakaiba at mapapamangha rin ang sinumang bakya ding manonood ng kanilang pelikula.

At biruin mo ba namang mula pa man noong hindi pa pumutok ang Pinatubo hanggang ngayon ay hindi nawawala sa mga nagsusulputang maaksyong pelikula ang ganitong eksena, na pare-pareho ding sunod-sunod at inulit-ulit bago pa man tuluyang bumagsak ang sasakyan sa lupa.

Pati ang editing ng mga maaksyong pelikula ay kakikitaan din ng kabakyaan at kulang konsepto at imahinasyon. Sa pelikulang Bourne Trilogy at Behind Enemy Lines, para akong idinikit ng isang galong rugby sa kinauupuan, dilat at mga mata at nakanganga habang pigil ang hiningang pinanood ang sunod-sunod na habulan na maganda ang pagkakakuha ng anggulo at pagdikit-dikit at pagsunod-sunod ng mga eksena. Samantalang sa lokal na palabas, para din naman akong nakadikit sa aking kinauupuan habang aliw na aliw na nakikipagkwentuhan sa katabing kasama tungkol sa pinanood namin noong isang araw.

May isa ring eksena sa maaksyong pelikulang Pilipino na alam na alam mong Pinoy talaga kahit paulit-ulit mo pang i-rewind at i-play. Ito yung paglaladlad ng mga totoong motibo ng kalaban at ang paglaladlad ng kabuuang istorya na siyang magdudugtong sa lahat ng mga pangyayari sa simula at sa kalagitnaan ng palabas, na sa halos lahat ng pelikula ay isiniwalat sa paraang kung hindi man nagkatutukan ng kani-kanilang mga baril ang bida at kontrabida, ay nagkatalikuran naman sa magkabilang parte ng isang sementadong pader. At ito rin ay hindi pwedeng mawala sa eksena ng mga maaksyong pelikula na para bang isang REQUIREMENT mula pa noong sikat pa si Bong Revilla, bagets pa si Lito Lapid, at heartthrob pa si Rudy Fernandez.

At pag nagpakawala ng matinding galit at nagsusumigaw sa hegante ang bida sabay takbo at pinaulanan ng bala ang limampung armadong kalaban na wala pang isang minuto'y todas lahat na wala man lang ni isang galos o tama si bida. Napakahirap para sa mga kalaban ang madaplisan man lang ng bala ang bida, kahit pa man hindi buong katawan ang nakatago sa isang harang, pero isang bala lang ay patay na ang kalabang nakatago at may cover na kasamahan pa.

Sabagay, may flaw din naman ang ilang pelikulang Amerikano, lalo na sa hanay ni Steven Seagal na ewan ko kung ginaya si FPJ or siya ang ginaya ng huli, na dikit pa rin sa bunbunan ang buhok at plantsado pa rin ang suot na damit kahit naka ilang suntukan at barilan na. Pero ngayon ay laos na si Steven Seagal, at wala rin namang sumunod sa yapak ni FPJ. Wala pa.

Hindi rin nawawala ang sexy star sa pelikulang askyon ang tema. Na sa kalaunan ay tantiya kong kaya lang isinali sa casting ay hindi dahil kelangang-kelangan sa istorya at may malaking ginagampanan sa takbo ng story-telling, kundi para lang mapaluwa ang mga mata ng mga malilibog na kalalakihan, na kadalasan naman ang resulta'y malaki ang kita. Hindi na importante sa mga mamemelikula kung ano man ang kinababagsakan ng kalidad ng kanilang pelikula, ang importante'y nakagawa sila ng proyektong magpapaulan sa kanila ng pilak at magpapabaha ng parihabang papel.

Madalas din, sa sagupaan kung saan parehong nasaktan ang bida at kasagupa nito, sa dulo'y bigla na lang nawala ang sakit sa katawan ng bida na muli na namang mabagsik sa paghahabol o pagtatakbo. At heto pa, pwersahan at hindi natural ang mga tawanan sa hanay ng mga kontrabida, at ang mga leading ladies ay imahe ng mahihina, matatakutin pero madaldal at selosa. Napaka typical. Walang pagbabago, walang innovation sa istorya.

Parang hindi rin kayang ipagmayabang ng mga mamemelikula na ipakita sa manonood ang makatotohanang pagpasok at pagtagos ng bala o espada o ano mang armas sa katawan ng tao. Oo, sabihin nating masyadong brutal ito, pero ang pagtanggi na ipinta ang ganitong eskena ay siya ring nagpapa boring at nagpapakla sa lasa ng pelikula, at hindi makatotohanan. At, kadalasan, ang kinahihinatnan ay ang pagpapakita sa biktimang nakahandusay na sa sahig, o kung binaril man, ay saka pa lang lumabas ang dugo pag ito'y matagal nang nakahandusay.

Lousy din ang klase ng storytelling kung saan parang hindi makatotohanan ang pagdudugtong ng mga eksena, o kung makatotohanan ma'y hindi masyadong malaman ang bawat linya.

Sa maniwala kayo't sa hindi, ang ganitong klase ng palabas noong dekada 80 ay siya pa ring tuwang-tuwa at aliw na aliw na ginagaya ng direktor. Sa kalagitanaan ng makabagong teknolohiya, ay ipagdidiinan pa rin ng mga mamemelikula ang paggawa ng klasik subalit baduy na pelikula. Siguro, naisip ng mga producer na hindi nila kayang ilagay sa alanganin ang kanilang budget dahil baka hindi kayanin ng kikitain nila. Mahal din naman kasi ang paggamit ng bagong teknolohiya, at takot silang magbuhos ng maraming pera dahil baka hindi tatangkilin, na kung tutuusin ay sila naman talaga at ang kanilang kakulangan ng tapang ang dahilan kung bakit nga ba hindi pinapanood ng mga tao.

Bakya din ang sound at visual effects, at hindi makatotohanan ang barilan at pagsabog. At pag binabaril o pinasasabugan ang bida, lagi lang itong nasa gilid o di kaya'y nasa likod, na para bang nasa Mars ang mga kalaban, pero pag bumawi ang bida, tatlong putok lang ng baril, bagsak agad ang helicopter. Nakakapraning, nakakataas ng kilay, nakakatawa na may halong pag-iling. Okay lang manood ng ganito kapag may pilahan paglabas ng sinehan para kunin ulit ang bayad.



Sa drama at romance naman, paulit-ulit at pare-pareho lang din ang topic, story, o construction ng mga eksena, mula noon hanggang ngayon, walang bagong storya, walang bagong kaisipan, walang bagong imahinasyon, walang bagong creativity

Kung hindi man tungkol sa away-pamilya, selosan, karidahan o agawan ng asawa, ay pag-iibigan naman ng dalawang taong tinutulan ng pamilya. Sa drama, kung sa simula ay nagsisigawan na ang mga karakter, asahan mo nang tensyonado lahat nang eksena. Sa Romance naman, kung hindi naman puno ng papakyut o torpehan, ay nilulunod naman ng tuksuhan at kantiyawan. Laging may third party. At ang isang bagay na ikinatitingin ko sa relos o di kaya'y ikinapipindot ko sa celfon kahit wala naman nag text, ay ang eskena ng alitan ng mag syota kung saan hindi pinakinggan ang paliwanag ng isang pinagbintangan, at ang linyang present sa lahat ng drama/romance na pelikulang Pinoy ay:

"Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Wala ka nang dapat ipaliwanag sa akin..."

Kung kaya't sa totoong buhay hindi nagkakaayos ang nag-aaway dahil na empluwensyahan masyado sa imaheng pilit ipinipinta ng mga pelikula.

Sa drama, hindi mangyayaring walang sampalan, kahit pwede namang makagawa ng istorya at pelikulang hindi iikot sa sampalan at panlalait. Kakaiba ang konsepto ng Korean movie na ina-adapt ng Hollywood, ang "The Lakehouse" kung saan ang istorya ay umikot sa pag-ibig at kayang magpatuloy na walang paglalabis sa isyu ng selosan, at walang bahid ng agawan, sampalan, at sigawan. Ganun din sa pelikulang "Pay It Forward", na ipinakita ang posibilidad sa paglikha ng istoryang ma-drama pero hindi naka focus sa iyakan, kahit pa man mapapaiyak ka sa dulo ng istorya. Ang ma-dramang pelikula dito sa atin, ay halatang hirap makapasok sa emosyon ng mga manonood at kelangang lakipan ng iyakan sa mga karater para mabihag ang emosyon ng mga manonood at mapaiyak sa nakikita. Karamihan sa mga pelikulang banyaga ay hindi hirap kontrolin ang mga manonood at kadalasan ay lumabas na natural lang na nangyayari ang lahat ng mga eksena.



Pagdating sa comedy, lalo pang bumagsak ang kalidad ng industriya na kahit anong uri ng international awards ay hindi maikunsidera man lang bilang official entry. Pano ba naman kasi, bukod sa corny ang storya at wala namang gaanong mapupulot na aral at halatang walang ibang pakay kundi ang talagang magpatawa lang, ay napaka- trying hard din ang klase ng pagpapatawa ng mga aktor pati na ng mismong script. Ayoko mang ikukumpara, pero hindi maiiwasang sabihing di hamak na mas angat ang uri ng comedy ng ibang bansa na napaka-natural lang at parang kusa lang nangyayari sa eskena dahil hindi naman pilit at intensyonal na sinisira ang facial expression at magmukhang mongoloid sa acting para lang magpatawa. Sinasabing Comedy King si Dolphy, at pabor naman ang karamihang Pilipino sa bansag na ito, pero kung ako ang tatanungin at papipiliin, hanggang ngayon ay wala pa akong mapagbibigyan ng bansag na iyan. Istilo ni Dolphy ang sisirain at gawing katawa-tawa ang mukha para mahawa ang mga manonood kahit na bakya ang takbo ng eksena at halatang intensyonal ang nangyayaring katatawanan. So far, ganyan lahat ang istilo ng karamihang komedyanteng naglilipana ngayon, at ng mga script para sa pelikulang comedy.

Ang hindi ko maintindihan hanggang ngayon ay kung bakit sa kabila ng pare-parehong tema ang mga nagsusulputang mga palabas taon-taon, ay hindi pa rin nagsasawa ang ibang mga Pilipinong manghang-mangha pa rin at kinikilig na animo'y first time nakakita ng ganoong uri ng pelikula. Ibang-iba

Malawak ang mundo ng pagkukwento, at ganun din ang paggawa ng pelikula. Sa Amerika, napakalawak na ng naabot ng pagkukwento sa sine, at bihira lang na magkakahawig ang dalwang pelikula. Taliwas sa nangyayari dito sa atin. Pero bakit kaya limitado ang kayang abutin ng mga mamemelikula sa bansa?

Kung nais nating tangkilikin ang sariling atin, dapat ay ginagawa natin ang mga produkto natin sa paraang hindi alanganin ang pagmamalaki natin ng mga ito sa mundo.



Photography from the website www.kinoart.net Please click here: http://www.kinoart.net/galerie/galerie/2218.html

Comments

0 responses to "Lugmok na Industriya?"