Hello and Welcome!

This is about my observation to what's happening around us, the pop culture and how it affects people and their lifestyle.

Please feel free to interact. Thanks.

To post comments, please click on the Number/Digit found at the top right portion of each post.




12:17 PM | Posted in ,




Isang nagsusumigaw at lantarang katibayan ng ating kakulangan ng disiplina sa sarili at katigasan ng ulo't pagiging pilosopo ay ang mga nalilipanang mga basura kahit saan ka man lumingon sa loob at labas ng mga syudad saan mang sulok ng bansa, at masyadong malala naman ang sitwasyong patuloy na nangyayari at walang ginagawang aksyon sa kalakhang Maynila.

Doon, kahit saang direksyon ka man magpunta, hindi mo maiiwasang pagtakpan ang ilong at umiwas sa pagtingin sa nagtatambakang mga basura sa kalye. At wala ni isang ilog sa syudad na pwedeng paglanguyan na walang sasabay na mabahong dumi ng tao. Nagmistulang mga tilapiang nag overcrowded sa ilog ang iba't-ibang klase ng basurang walang umaamin kung sino ang nagtatapon kahit lantaran ang ebidensya.

Mga tao ang nagtatapon ng mga basura, mga tao rin ang dapat maghanap ng solusyon at umaksyon. Pero ang nangyayari'y iniaasa sa iba ang paghahanap ng lunas at ang gobyerno ang sinisisi sa kakuparan sa paggawa ng hakbang para dito. At nagtuturuan ang mga tao sa panahong may ginawang aksyon ang gobyerno.

Bakit ganito ang takbo ng isipan ng mga Pilipino? Tayo ang bumaboy sa ating kapaligiran at tayo rin ang puputak at magrereklamo kung bakit mabaho ang syudad, marumi ang paligid at maraming nagkakasakit?

Totoong may pagkukulang din naman ang gobyerno. Dapat solido at tuloy-tuloy ang pagbibigay nito ng serbisyo sa mamamayan para matulungan ang mga taong mapanatiling malinis ang mga daan at paligid araw-araw, pero ang katigasan ng ulo at kawalan ng malasakit at pakialam ng mga tao sa bayan at tanging at pinakamalaking dahilan kung bakit patuloy na nangyayari ang kabaluktutan. At habang hindi natin itinutuwid ang sarili, ay walang mangyayaring magandang solusyong mahahanap ang taumbayan.

Limang taon akong nagtatrabaho sa Taiwan. At marami akong natutunan mula sa mga Taiwanese tungkol sa pagpapahalaga sa paligid. Sa loob ng mahabang panahong iyon ay wala akong nakikita ni isang tagaroon na nagtatapon ng bote ng tubig o wrapper ng pagkain sa kalye pagkatapos uminom o kumain, dahil bitbit ang basura'y naghahanap sila ng pinakamalapit na basurahan para doon itapon kahit sigarilyo.

Ang ikina-iiling ko lang ay ang katotohanan sa nakita mismo ng mga mata ko na ang mga dayo lang sa bansang Taiwan ang mahilig at panay magtapon ng lata ng softdrinks at plastic ng pagkain sa bangketa at sa mga riles ng tren. Oo, kabilang na doon ang mga Pinoy. Dala pa rin ang bulok na kaugalian kahit tumawid na ng maraming milya sa ibayong-dagat. Sampid lang ang mga Pinoy sa Taiwan, pero tayo itong may lakas ng loob dumihan ang matagal nang inaalagaang kalinisan ng mga Taiwanese. Buti na lang masipag din ang mga metro aide at kinabukasa'y makintab na naman ang mga pampublikong sahig.

Doon ko natutunang isuksok sa bulsa ng pantalon ko ang balat ng kendi o chewing gum at ibalik sa bag ang wala nang lamang plastic ng pagkain at maiinom, saka itatapon sa basurahan sa loob ng dorm namin. At, hindi man gaanong kaaya-ayang pakinggan na dala ko ang ugaling ito pag-uwi sa Pinas na natutunan ko pa mula sa ibang bansa, ay masaya pa rin ako dahil baon ko ang pangako sa sariling hindi na ako muling magkakalat.

At hindi rin naman lahat ng tao sa bansa natin ay walang pakialam.



Minsan nang sumakay ako ng jeep sa Manila, napadaan kami sa isang kalyeng gabundok ang nakatambak na basura at meron pang papalit na mama na bitbit ang isang supot at ihahagis sa "basurahan".

Hindi nakatiis ang isang pasahero sa nakita at na amoy.

"Sosmaryosep. Dinagdagan pa ng gago," daing ng babae. "Kung kaya't walang kasulusyonan ang problema sa basura't lumalala ang mabahong amoy sa paligid, eh."

Sumabad ang isa pang ale na kaharap nito sa may dulo ng jeep. "Hindi rin naman magtatapon yan sa kalye kung may askyon lang ang gobyerno. Kahit man lang maglagay ng mga nakahilerang malalaking barel sa kanto para doon magtapon ang mga residente't matakpan ng maigi. Pero, 'ala rin."

"Oo, may pagkukulang din naman ang gobyerno. Pero sa atin pa rin dapat magmula ang kalinisan. Humanap ng tamang diskarte, hindi basta-basta na lang nagtatapon kahit saan," sabi ulit nung babae.

Kasalukuyang nagpapalitan ng mga pananaw at prinsipyo ang dalawang babae nang mapansin ko sa saking harapan na akmang itatapon ng isang bata ang balat ng nginunguyang bubble gum, pero mabilis at tahimik na binawi ng ina nito ang wrapper at saka isinilid sa hawak na plastic bag.


Photography from www.ojodigital.com. Please visit the owner's website at: http://www.ojodigital.com/foro/ecologicas-denuncias/28137-faro-basura.html
Category: ,
��
12:59 AM | Posted in , , , , ,

"Tangkilin ang sariling atin."

Iyan ang palagi natin iminumungkahi at ipinaalala sa mga Pilipino ipakita ang pagmamahal sa ating lahi at ng ating bansa, maging ito man ay sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong Pilipino, serbisyong Pinoy, likha at mga arteng Pinoy, at paghihikayat ng mga embensiyong gawa ng Pinoy. Ito ay isang matatag at umaalingawngaw na simbolo ng pagpapahalaga natin sa ating pagka- Pilipino.

Pero paano nga ba natin mahikayat ang kapwa natin kung ang mismong mga produkto natin ay may halong pandaraya, may bahid ng pananamantala, kulang o di kaya'y mababa ang kalidad, at kulang sa imahinasyon at pagkamalikhain sa puntong nakakasawa sa at hindi gaanong mapapakinabangan ng karamihang mananangkilik.

At dahil sa sobrang daming aspeto na pwede kong ibigay halimbawa, tutugunan ko ng pansin ang isang industriyang naghihikahos at nanganganib malugmok ng tuluyan. And industriya ng Pelikulang Pilipino.

Kung hindi ninyo napapansin, mabibilang lang sa daliri ang klase ng mga palabas na kayang likhain ng industriya na ito dito sa atin, at limitado rin ang lawak ng istoryang ginagawan ng pelikula, na kalimitan ay pabalik-balik lang ang paksa ng mga pelikulang napapaloob sa parehong genre.

Sa pelikulang Pilipino, ito lang ang sa palagay ko'y kayang likhain ng mga mamimilikula sa bansa:

Action, Drama, Romance, Comedy, Horror, at Superhero Action/Comedy.



Sa mga pelikulang tinaguriang ma-aksyon, pare-pareho lang ang mga istoryang kung hindi man umiikot sa sindikato, pambubugbog at paghihigante, di pagkakaunawaan ng dalawang pamilya o angkan, ay sa mga politiko naman na sangkot sa iligal na gawain at pang-aabuso ng kapangyarihan. At hindi rin masyadong malawak ang naaabot ng mga taong pinag-uusapan sa istorya. Ganito na ang naging katayuan ng pelikulang maaksyon; hanggang ngayon ay dito pa rin umiikot ang istorya ng mga bagong gawang pelikula. Hanggang dito lang ba kaya ng industriya natin? Wala bang sapat na tapang, imahinasyon, at pagkamalikhain ang mga tao sa likod ng industriyang ito para gawing paksa ng istorya ang mga iskandalong sangkot ang isang likhang-isip na pangulo ng bansa? O baka naman takot sila sa kayang gawin ng mga totoong taong nataman at galit dahil pakiramdam ng mga ito'y sila ang tinatarget ng naturang pagpipinta.

Meron din akong isa pang napansin sa mga maaksyon na eksena ng mga maaksyong pelikulang nagmukhang katawa-tawa at mapapaisip ka kung sulit ang perang pambayad mo sa sinehan. Kadalasan, sa mano-manong bakbakan, mapapansin mo, kung ikaw man ay hindi nakanganga at hangang-hanga sa idol mo, na ang suntukan, sapakan, sipaan at agawan ng plastik na armas o kahoy na sandata ay isinasagawa na parang may kasamang bilangan.

1, 2, 3, haik! 1, 2, 3 uhmp! 1, 2, 3 argh!

Oo, parang may tahimik na bilangang nangyayari dahil sa napaka-bakyang tagisan ng lakas na bukod sa parang slow-motion ay nakakatawa pa ang action-reaction ng bida at kontrabida.

Bida: (sinapak ang kalaban sa KANANG pisngi)

KB: (napa aray, naduduling, napalingon sa KANAN din, at napaatras habang naniniguradong walang gasgas pagnagtumba-tumbahan na,).

At kung sa binaril naman, ay parang sumasayaw ng Dirty Dancing ang kalaban at babagsak sa lupa na parang sinapian.

Pag sa habulan naman ng bida at kontrabida, na kadalasan ay sa pamamagitan ng dalawang kotse, pagdating sa puntong lumipad sa ere ang sasakyan ng kalaban sabay sabog at pataob na lalagapak sa lupa, at isandaang beses sunud-sunod at inulit- ulit ang nasabing eksena na may kuha pa galing sa ibang anggulo, na para bang aliw na aliw ang editor ng naturang palabas sa kabakyaan ng likha nila na para sa kanila at kakaiba at mapapamangha rin ang sinumang bakya ding manonood ng kanilang pelikula.

At biruin mo ba namang mula pa man noong hindi pa pumutok ang Pinatubo hanggang ngayon ay hindi nawawala sa mga nagsusulputang maaksyong pelikula ang ganitong eksena, na pare-pareho ding sunod-sunod at inulit-ulit bago pa man tuluyang bumagsak ang sasakyan sa lupa.

Pati ang editing ng mga maaksyong pelikula ay kakikitaan din ng kabakyaan at kulang konsepto at imahinasyon. Sa pelikulang Bourne Trilogy at Behind Enemy Lines, para akong idinikit ng isang galong rugby sa kinauupuan, dilat at mga mata at nakanganga habang pigil ang hiningang pinanood ang sunod-sunod na habulan na maganda ang pagkakakuha ng anggulo at pagdikit-dikit at pagsunod-sunod ng mga eksena. Samantalang sa lokal na palabas, para din naman akong nakadikit sa aking kinauupuan habang aliw na aliw na nakikipagkwentuhan sa katabing kasama tungkol sa pinanood namin noong isang araw.

May isa ring eksena sa maaksyong pelikulang Pilipino na alam na alam mong Pinoy talaga kahit paulit-ulit mo pang i-rewind at i-play. Ito yung paglaladlad ng mga totoong motibo ng kalaban at ang paglaladlad ng kabuuang istorya na siyang magdudugtong sa lahat ng mga pangyayari sa simula at sa kalagitnaan ng palabas, na sa halos lahat ng pelikula ay isiniwalat sa paraang kung hindi man nagkatutukan ng kani-kanilang mga baril ang bida at kontrabida, ay nagkatalikuran naman sa magkabilang parte ng isang sementadong pader. At ito rin ay hindi pwedeng mawala sa eksena ng mga maaksyong pelikula na para bang isang REQUIREMENT mula pa noong sikat pa si Bong Revilla, bagets pa si Lito Lapid, at heartthrob pa si Rudy Fernandez.

At pag nagpakawala ng matinding galit at nagsusumigaw sa hegante ang bida sabay takbo at pinaulanan ng bala ang limampung armadong kalaban na wala pang isang minuto'y todas lahat na wala man lang ni isang galos o tama si bida. Napakahirap para sa mga kalaban ang madaplisan man lang ng bala ang bida, kahit pa man hindi buong katawan ang nakatago sa isang harang, pero isang bala lang ay patay na ang kalabang nakatago at may cover na kasamahan pa.

Sabagay, may flaw din naman ang ilang pelikulang Amerikano, lalo na sa hanay ni Steven Seagal na ewan ko kung ginaya si FPJ or siya ang ginaya ng huli, na dikit pa rin sa bunbunan ang buhok at plantsado pa rin ang suot na damit kahit naka ilang suntukan at barilan na. Pero ngayon ay laos na si Steven Seagal, at wala rin namang sumunod sa yapak ni FPJ. Wala pa.

Hindi rin nawawala ang sexy star sa pelikulang askyon ang tema. Na sa kalaunan ay tantiya kong kaya lang isinali sa casting ay hindi dahil kelangang-kelangan sa istorya at may malaking ginagampanan sa takbo ng story-telling, kundi para lang mapaluwa ang mga mata ng mga malilibog na kalalakihan, na kadalasan naman ang resulta'y malaki ang kita. Hindi na importante sa mga mamemelikula kung ano man ang kinababagsakan ng kalidad ng kanilang pelikula, ang importante'y nakagawa sila ng proyektong magpapaulan sa kanila ng pilak at magpapabaha ng parihabang papel.

Madalas din, sa sagupaan kung saan parehong nasaktan ang bida at kasagupa nito, sa dulo'y bigla na lang nawala ang sakit sa katawan ng bida na muli na namang mabagsik sa paghahabol o pagtatakbo. At heto pa, pwersahan at hindi natural ang mga tawanan sa hanay ng mga kontrabida, at ang mga leading ladies ay imahe ng mahihina, matatakutin pero madaldal at selosa. Napaka typical. Walang pagbabago, walang innovation sa istorya.

Parang hindi rin kayang ipagmayabang ng mga mamemelikula na ipakita sa manonood ang makatotohanang pagpasok at pagtagos ng bala o espada o ano mang armas sa katawan ng tao. Oo, sabihin nating masyadong brutal ito, pero ang pagtanggi na ipinta ang ganitong eskena ay siya ring nagpapa boring at nagpapakla sa lasa ng pelikula, at hindi makatotohanan. At, kadalasan, ang kinahihinatnan ay ang pagpapakita sa biktimang nakahandusay na sa sahig, o kung binaril man, ay saka pa lang lumabas ang dugo pag ito'y matagal nang nakahandusay.

Lousy din ang klase ng storytelling kung saan parang hindi makatotohanan ang pagdudugtong ng mga eksena, o kung makatotohanan ma'y hindi masyadong malaman ang bawat linya.

Sa maniwala kayo't sa hindi, ang ganitong klase ng palabas noong dekada 80 ay siya pa ring tuwang-tuwa at aliw na aliw na ginagaya ng direktor. Sa kalagitanaan ng makabagong teknolohiya, ay ipagdidiinan pa rin ng mga mamemelikula ang paggawa ng klasik subalit baduy na pelikula. Siguro, naisip ng mga producer na hindi nila kayang ilagay sa alanganin ang kanilang budget dahil baka hindi kayanin ng kikitain nila. Mahal din naman kasi ang paggamit ng bagong teknolohiya, at takot silang magbuhos ng maraming pera dahil baka hindi tatangkilin, na kung tutuusin ay sila naman talaga at ang kanilang kakulangan ng tapang ang dahilan kung bakit nga ba hindi pinapanood ng mga tao.

Bakya din ang sound at visual effects, at hindi makatotohanan ang barilan at pagsabog. At pag binabaril o pinasasabugan ang bida, lagi lang itong nasa gilid o di kaya'y nasa likod, na para bang nasa Mars ang mga kalaban, pero pag bumawi ang bida, tatlong putok lang ng baril, bagsak agad ang helicopter. Nakakapraning, nakakataas ng kilay, nakakatawa na may halong pag-iling. Okay lang manood ng ganito kapag may pilahan paglabas ng sinehan para kunin ulit ang bayad.



Sa drama at romance naman, paulit-ulit at pare-pareho lang din ang topic, story, o construction ng mga eksena, mula noon hanggang ngayon, walang bagong storya, walang bagong kaisipan, walang bagong imahinasyon, walang bagong creativity

Kung hindi man tungkol sa away-pamilya, selosan, karidahan o agawan ng asawa, ay pag-iibigan naman ng dalawang taong tinutulan ng pamilya. Sa drama, kung sa simula ay nagsisigawan na ang mga karakter, asahan mo nang tensyonado lahat nang eksena. Sa Romance naman, kung hindi naman puno ng papakyut o torpehan, ay nilulunod naman ng tuksuhan at kantiyawan. Laging may third party. At ang isang bagay na ikinatitingin ko sa relos o di kaya'y ikinapipindot ko sa celfon kahit wala naman nag text, ay ang eskena ng alitan ng mag syota kung saan hindi pinakinggan ang paliwanag ng isang pinagbintangan, at ang linyang present sa lahat ng drama/romance na pelikulang Pinoy ay:

"Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Wala ka nang dapat ipaliwanag sa akin..."

Kung kaya't sa totoong buhay hindi nagkakaayos ang nag-aaway dahil na empluwensyahan masyado sa imaheng pilit ipinipinta ng mga pelikula.

Sa drama, hindi mangyayaring walang sampalan, kahit pwede namang makagawa ng istorya at pelikulang hindi iikot sa sampalan at panlalait. Kakaiba ang konsepto ng Korean movie na ina-adapt ng Hollywood, ang "The Lakehouse" kung saan ang istorya ay umikot sa pag-ibig at kayang magpatuloy na walang paglalabis sa isyu ng selosan, at walang bahid ng agawan, sampalan, at sigawan. Ganun din sa pelikulang "Pay It Forward", na ipinakita ang posibilidad sa paglikha ng istoryang ma-drama pero hindi naka focus sa iyakan, kahit pa man mapapaiyak ka sa dulo ng istorya. Ang ma-dramang pelikula dito sa atin, ay halatang hirap makapasok sa emosyon ng mga manonood at kelangang lakipan ng iyakan sa mga karater para mabihag ang emosyon ng mga manonood at mapaiyak sa nakikita. Karamihan sa mga pelikulang banyaga ay hindi hirap kontrolin ang mga manonood at kadalasan ay lumabas na natural lang na nangyayari ang lahat ng mga eksena.



Pagdating sa comedy, lalo pang bumagsak ang kalidad ng industriya na kahit anong uri ng international awards ay hindi maikunsidera man lang bilang official entry. Pano ba naman kasi, bukod sa corny ang storya at wala namang gaanong mapupulot na aral at halatang walang ibang pakay kundi ang talagang magpatawa lang, ay napaka- trying hard din ang klase ng pagpapatawa ng mga aktor pati na ng mismong script. Ayoko mang ikukumpara, pero hindi maiiwasang sabihing di hamak na mas angat ang uri ng comedy ng ibang bansa na napaka-natural lang at parang kusa lang nangyayari sa eskena dahil hindi naman pilit at intensyonal na sinisira ang facial expression at magmukhang mongoloid sa acting para lang magpatawa. Sinasabing Comedy King si Dolphy, at pabor naman ang karamihang Pilipino sa bansag na ito, pero kung ako ang tatanungin at papipiliin, hanggang ngayon ay wala pa akong mapagbibigyan ng bansag na iyan. Istilo ni Dolphy ang sisirain at gawing katawa-tawa ang mukha para mahawa ang mga manonood kahit na bakya ang takbo ng eksena at halatang intensyonal ang nangyayaring katatawanan. So far, ganyan lahat ang istilo ng karamihang komedyanteng naglilipana ngayon, at ng mga script para sa pelikulang comedy.

Ang hindi ko maintindihan hanggang ngayon ay kung bakit sa kabila ng pare-parehong tema ang mga nagsusulputang mga palabas taon-taon, ay hindi pa rin nagsasawa ang ibang mga Pilipinong manghang-mangha pa rin at kinikilig na animo'y first time nakakita ng ganoong uri ng pelikula. Ibang-iba

Malawak ang mundo ng pagkukwento, at ganun din ang paggawa ng pelikula. Sa Amerika, napakalawak na ng naabot ng pagkukwento sa sine, at bihira lang na magkakahawig ang dalwang pelikula. Taliwas sa nangyayari dito sa atin. Pero bakit kaya limitado ang kayang abutin ng mga mamemelikula sa bansa?

Kung nais nating tangkilikin ang sariling atin, dapat ay ginagawa natin ang mga produkto natin sa paraang hindi alanganin ang pagmamalaki natin ng mga ito sa mundo.



Photography from the website www.kinoart.net Please click here: http://www.kinoart.net/galerie/galerie/2218.html
11:28 AM | Posted in ,


Ang tea ay Chinese, while Coffee is American. European naman ang Wine, at sinasamba ng Pinoy ang Juice. Dati.

Pero ang lahat nang iyan ay pwedeng magbago, lalo na't niyayakap ng karamihan sa isang teritoryo ang ganung pagbabago. Minsan din, ang mismong produkto ang nagti-trigger sa mga mamamayan na iwanan ang nakaugalian at simulang gawin ang sa paningin nila'y mas kaaya-aya. Yan ang paningin ko. Bakit?

Sa pang araw-araw na takbo ng buhay ng mga Pinoy, maraming mga bagay na dahil sa hindi malaki ang role na ginagampanan, ay subconsciously hindi napapansin na kabilang din pala sa flow ng routine natin.

Sa isang typical na Pinoy, sa umaga lang iniinom ang mainit na kape o di kayay'y tsokolate, sa tanghali naman at meryinda ang Juice o softdrink/soda, at sa gabi kadalasan ay tubig lang. Nasa konsepto ng karamihan sa atin na kapag nagpalit-palit ang umaga at tanghali, magre-react kaagad at magiging subject of kantiyawan ang salarin na aabot pa ng maraming buwan bago tuluyang mawala and then maalalang muli. Dati yan.

Nang sumiklab ang kasikatan ng Starbucks sa Amerika, si Pinoy naman na kahit anong sikat ay pilit gagayahin at ipauso sa sariling bansa para lang kumita, ay naghikayat magbukas ng ganun dito. Franchising kumbaga.

The Country is then hit by storm. Nagkagulo ang syudad. Nagkaroon ng excitement sa business parks, tuwang-tuwa ang mga offices, shock at di makapaniwala naman ang mga foreigners (dahil kaya di nila akalaing darating din sa Pinas ang social na American brand?), nagka-frenzy sa call centers, at praning na praning naman ang high-schools at universities. Goodbye Juice, Hello America!

At doon na nagbago ang kasaysayan ng Pilipinas. Biglang nag iba ang panlasa ni Juan de la Cruz. Sobrang matamis daw ang Juice, nakaka alert daw sa office at school ang coffee. Di ba noon pa yan? Sa tingin nila sa Starbucks coffee lang nangyayari yan? Bakit di kaya nila naisip pausuhin uminom ng mainit na kape sa kalagitnaan ng galit na galit na afternoon sun noong bago pa man umusbong ang Starbucks?

Gusto ko lang habulin ang takbo ng isipan ng isang Pinoy gamit ang Pinoy kong utak. Sa panahon ngayon, kung kape man ang pag-uusapan, hindi nagiging paksa ang brewing at kung saan nagmula ang pinakaraming supply kundi money. Oo, pera. Dahil hindi ka makakainom sa coffee bar na iyon kung pang 1 pistel na juice lang ang bitbit mong pera. Kaya, doon eh patalbugan. Pasikatan. Hindi sa hanay ng mga office workers at managers, execs, at agents, kundi sa pulutong ng mga high-school at college students. Doon nagyayari ang giyera.

Noon, mapapansin mo sa corridors sa loob ng school campus ang iba't-ibang uri ng estudyanteng nabanggit at kina-categorize ni Bob Ong sa berde niyang aklat. Pero ngayon, kasabay ng pag envade ng Starbucks, isang grupo ang bihira mo nang makikita sa hallway tuwing vacant periods, na animo'y na abduct ng brown at black aliens.



Conversation sa isang shop:

Table 1. CEO at Consultant.

CONSULTANT: (to CEO) We need to re-evaluate the merger.

Table 2. Dalawang Agents.

Agent1: No effect ang recession sa America sa company natin, kaya tuloy operation.

Table 3. Dalawang kikay kolehiyala.

Kikay1: Hoy, may bago ka bang ringtone? Forward mo naman.



At may magandang offer din ang establishment na ito sa mga nag patronize sa kanila. Meron itong WI FI para sa mga on-the-go or mobile na mga customer. At lately, para na rin sa mga nag o-order ng pinakamura sa hanay ng menu at gustong tumambay ng limang oras na uubusin sa chatting at Youtube, kulang na lang singilin sila ng management para sa monthly electricity bill dahil ara-araw nagtatambay doon. Ginawang living room ang coffee shop. Naks, anlupit!

Akalain mo bang ngumuwa pa sa bahay at nagtatadyak sa sahig mapansin lang ng mga magulang at mabilhan ng laptop para lang makapagtambay sa coffee shop? Tsk. Tsk. Again, wrong interpretation na na-proseso ng isipan ng mga Pinoy. At mali din ang naging execution.

At sabay hihirit: So what? Pera ko naman ginastos ko noh!

Oo nga naman.



Ang tea ay American, Chinese naman ang wine, European ang Juice, at Pinoy ang coffee. Ay, mali. Ang tea ay European.....




Photography by Javaturtle. Please visit the owner's Flickr page at: http://www.flickr.com/photos/javaturtle/133316103/
Category: ,
��
11:02 PM | Posted in , ,



Three or four months before ako umuwi, I've heard about this product in the market that caused so much hype sa Pinas, at hindi ko matiyak that time kung ang Pinas lang ba ang lubhang nadala at na praning magkaroon nito. Well, honestly I didn't give a fuss about it at that point. I was thinking na siguro ang produktong tsinelas na iyon ay talaga namang ipinagyayabang ang quality, beauty, style, fashion at comfort sa mga paa natin at sa katawan as a whole. And I must admit that I, too, was close to trying it. At nasabi ko sa sarili ko na i-check itong tsinelas na ito pag uwi ko, see what's the fuss was all about, then buy myself a pair if meron itong magandang epektong hatid sa panlabas kong tanawin.

Then I met 'em and touched 'em up close and personal and, ilang sandali pa lang, tumaas ang kilay ko at biglang binuhusan ng isang toneladang tubig ang kanila lang ay nagbabagang excitement. At di ko mapigilan ang sarili kong magtanong ng "what the heck?" Yes, it's soft and comfy for the feet, at kung kalidad ang pag-uusapan, di hamak na mas angat nga ng maraming baitang ang kinababaliwang tsinelas na to. Pero, the heck, stunted pa sa unano pagdating sa glam! Bili na lang ako ng Wintan eh! Kahit mababa ang kalidad, comfy naman.

Ang isang produkto, kung nangangarap magbenta ng mahal dahil pilit nilang mapabilang sa mga branded, dapat hindi lang kalidad ang iniisip. They should also consider the other equally good benefits na hinahanap ng mga mamimili.

Yan ang birit ko sa mga produktong may intensyon na gawing pang pasyal at pang social gatherings ang dapat sanay pang-bahay lang. But I think that's not really the true purpose that the maker of this product wanted to convey, at lalong hindi yan ang mensahing nais ihatid ng mga endorsers ng produktong ito. I think what's happening around us now ay resulta ng maling intrepretasyong naproseso ng mga tao. Lalo na ng mga Pilipino.

Ewan ko lang kung pati sa ibang bansa ay sobrang na hype din at parang mababaliw kung hindi makapagsuot ng tsinelas na 'to, na para bang kasabay ni Adan ang pagkalikha ng tsinelas.



Tagapaglikha:

"Sa araw na ito, lilikhain ko ang nilalang na siyang mangangalaga sa lahat nang kayaman sa mundong ito."

At nilikha si Adan.

Adan:

"Panginoon, gusto ko ng tsinelas."

Ang taray!



Pero, I'm pretty darn sure tha't what's happening here sa Pinas, well, sa metropolitan areas to be specific. Dahil naman kaya sawa na ang mga ito kasusuot ng tik-taks, sandals, at high heels? Hindi hype lang? Hmmmmm, what an oddity. Kelangan pang dumating sa buhay natin ang brand na ito para magising sa katotohanang matagal na pala tayong sawa sa sapatos?

Kadalasan 'pag ang Pinoy nag-iisip, exag ang kinahihinatnan. Take this one: karamihan, kung hindi man lahat, sa mga na HIT BY STORM ng produktong ito, nag-iisip na dahil branded ang tsinelas na ito at mga head of states at famous celebs ang sumusuot at nag endorse, ay pilit pinapauso ang mamasyal sa mga matataong lugar nang naka tsinelas lang kahit parang pang red carpet o pang rampa sa runway ang mga suot. Pilit pinaghalo ang urbanidad at pagsasaka sa bukid. Ano yan, 2-in-1? Hayan tuloy, tingnan nyo nga sarili nyo sa salamin pag nag window-shopping kayo. I'm sure, kahit pustahan tayo, ang makikita mo ay isang taong no more than an ancient farm worker dressed in modern time and is lost in a metropolitan jungle. Promise! Kahit ipusta ko pa pati ninang ko.

At ano ito? Nakikipagpilahan pa sa mga booths? At in fairness ha, talagang nagtitiyaga sa mahabang pila mula main entrance hanggang back exit, di bale nang magka varicose makapag mix and match lang.



Isang dalagita, nakanganga at luwa ang mga mata habang tinitigan ang isang babaeng kalalabas lang ng isang boutique bitbit ang glossy D&G paper bag at seksing-seksi habang rumarampa sa aisle ng mall.



Dalagita: Shet, bongga si lola! Ang seksi nya sa Ha******s!

Kebigan: Asan? (tarantang lilingon-lingon) Ay, oo nga! Ang taray!

(sa kaibigan): sabi ko na sa yo, maganda talaga iyan. Bili ka na kasi.

Dalagita: Kulang pera ko eh. Wala na ko allowance. Me contribution kami sa skol bukas. Pahiram muna, bili ako.



A week after. Si dalagita namamasyal sa isang mamahaling mall. Nakasalubong ang binatilyo niyang kaklase.



Dalagita: Uy, Ronnie, hi! (abot hanggang tenga ngiti ni dalagita at pakaway-kaway na parang isang daang taong di sila nagkikita ni Binatilyo na sa puntong iyon ay clueless at oblivious).

Binatilyo: O, ikaw pala. Di ba alay-lakad today? Kauuwi mo lang ba?




Photography by Kai Hendry. Please visit his Flickr site at: http://www.flickr.com/photos/hendry/298879660/
Category: , ,
��