Hello and Welcome!

This is about my observation to what's happening around us, the pop culture and how it affects people and their lifestyle.

Please feel free to interact. Thanks.

To post comments, please click on the Number/Digit found at the top right portion of each post.




12:17 PM | Posted in ,




Isang nagsusumigaw at lantarang katibayan ng ating kakulangan ng disiplina sa sarili at katigasan ng ulo't pagiging pilosopo ay ang mga nalilipanang mga basura kahit saan ka man lumingon sa loob at labas ng mga syudad saan mang sulok ng bansa, at masyadong malala naman ang sitwasyong patuloy na nangyayari at walang ginagawang aksyon sa kalakhang Maynila.

Doon, kahit saang direksyon ka man magpunta, hindi mo maiiwasang pagtakpan ang ilong at umiwas sa pagtingin sa nagtatambakang mga basura sa kalye. At wala ni isang ilog sa syudad na pwedeng paglanguyan na walang sasabay na mabahong dumi ng tao. Nagmistulang mga tilapiang nag overcrowded sa ilog ang iba't-ibang klase ng basurang walang umaamin kung sino ang nagtatapon kahit lantaran ang ebidensya.

Mga tao ang nagtatapon ng mga basura, mga tao rin ang dapat maghanap ng solusyon at umaksyon. Pero ang nangyayari'y iniaasa sa iba ang paghahanap ng lunas at ang gobyerno ang sinisisi sa kakuparan sa paggawa ng hakbang para dito. At nagtuturuan ang mga tao sa panahong may ginawang aksyon ang gobyerno.

Bakit ganito ang takbo ng isipan ng mga Pilipino? Tayo ang bumaboy sa ating kapaligiran at tayo rin ang puputak at magrereklamo kung bakit mabaho ang syudad, marumi ang paligid at maraming nagkakasakit?

Totoong may pagkukulang din naman ang gobyerno. Dapat solido at tuloy-tuloy ang pagbibigay nito ng serbisyo sa mamamayan para matulungan ang mga taong mapanatiling malinis ang mga daan at paligid araw-araw, pero ang katigasan ng ulo at kawalan ng malasakit at pakialam ng mga tao sa bayan at tanging at pinakamalaking dahilan kung bakit patuloy na nangyayari ang kabaluktutan. At habang hindi natin itinutuwid ang sarili, ay walang mangyayaring magandang solusyong mahahanap ang taumbayan.

Limang taon akong nagtatrabaho sa Taiwan. At marami akong natutunan mula sa mga Taiwanese tungkol sa pagpapahalaga sa paligid. Sa loob ng mahabang panahong iyon ay wala akong nakikita ni isang tagaroon na nagtatapon ng bote ng tubig o wrapper ng pagkain sa kalye pagkatapos uminom o kumain, dahil bitbit ang basura'y naghahanap sila ng pinakamalapit na basurahan para doon itapon kahit sigarilyo.

Ang ikina-iiling ko lang ay ang katotohanan sa nakita mismo ng mga mata ko na ang mga dayo lang sa bansang Taiwan ang mahilig at panay magtapon ng lata ng softdrinks at plastic ng pagkain sa bangketa at sa mga riles ng tren. Oo, kabilang na doon ang mga Pinoy. Dala pa rin ang bulok na kaugalian kahit tumawid na ng maraming milya sa ibayong-dagat. Sampid lang ang mga Pinoy sa Taiwan, pero tayo itong may lakas ng loob dumihan ang matagal nang inaalagaang kalinisan ng mga Taiwanese. Buti na lang masipag din ang mga metro aide at kinabukasa'y makintab na naman ang mga pampublikong sahig.

Doon ko natutunang isuksok sa bulsa ng pantalon ko ang balat ng kendi o chewing gum at ibalik sa bag ang wala nang lamang plastic ng pagkain at maiinom, saka itatapon sa basurahan sa loob ng dorm namin. At, hindi man gaanong kaaya-ayang pakinggan na dala ko ang ugaling ito pag-uwi sa Pinas na natutunan ko pa mula sa ibang bansa, ay masaya pa rin ako dahil baon ko ang pangako sa sariling hindi na ako muling magkakalat.

At hindi rin naman lahat ng tao sa bansa natin ay walang pakialam.



Minsan nang sumakay ako ng jeep sa Manila, napadaan kami sa isang kalyeng gabundok ang nakatambak na basura at meron pang papalit na mama na bitbit ang isang supot at ihahagis sa "basurahan".

Hindi nakatiis ang isang pasahero sa nakita at na amoy.

"Sosmaryosep. Dinagdagan pa ng gago," daing ng babae. "Kung kaya't walang kasulusyonan ang problema sa basura't lumalala ang mabahong amoy sa paligid, eh."

Sumabad ang isa pang ale na kaharap nito sa may dulo ng jeep. "Hindi rin naman magtatapon yan sa kalye kung may askyon lang ang gobyerno. Kahit man lang maglagay ng mga nakahilerang malalaking barel sa kanto para doon magtapon ang mga residente't matakpan ng maigi. Pero, 'ala rin."

"Oo, may pagkukulang din naman ang gobyerno. Pero sa atin pa rin dapat magmula ang kalinisan. Humanap ng tamang diskarte, hindi basta-basta na lang nagtatapon kahit saan," sabi ulit nung babae.

Kasalukuyang nagpapalitan ng mga pananaw at prinsipyo ang dalawang babae nang mapansin ko sa saking harapan na akmang itatapon ng isang bata ang balat ng nginunguyang bubble gum, pero mabilis at tahimik na binawi ng ina nito ang wrapper at saka isinilid sa hawak na plastic bag.


Photography from www.ojodigital.com. Please visit the owner's website at: http://www.ojodigital.com/foro/ecologicas-denuncias/28137-faro-basura.html
Category: ,
��

Comments

2 responses to "Pinoy at Basura: iisa?"

  1. Femin Susan On April 22, 2009 at 8:56 AM

    Nice photography. I have a suggestion that your font is not readable. Welcome to my blog...

     
  2. Femin Susan On April 26, 2009 at 9:30 PM

    thanks for stopping by my blog and for the kind comment. feel free to visit again.
    Cheers!